Itinanggi ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas ang pahayag ng China na may pangako umano ang gobyerno sa kanila na aalisin ang nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na sakop ng West Philippine Sea.
"No such thing," sabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Atty. Cheloy Garafil sa Palace reporters nitong Miyerkoles.
Sinabi rin ng isang opisyal ng National Security Council (NSC) na walang ganoong pangako ang kasalukuyan, maging ang mga nagdaang liderato.
"Kahit sinong mapagtanungan natin under this administration or previous administrations wala po tayong naging commitment or anumang pangako sa pamahalaan ng Tsina na tatangalin natin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal," sabi ni NSC spokesperson Jonathan Malaya sa televised public briefing.
"Wala pong meeting, wala pong kasulatan na nilagdaan ng dalawang bansa na meron tayong ganung usapan," dagdag niya.
Hamon ni Malaya, maglabas ng patunayan ang China tungkol sa sinasabi nitong ipinangako sa kanila ng Pilipinas na hindi tinutupad.
"Kung meron palang ganun na may kasunduan, di ilabas niyo, di ba? Kasi, they are the ones that are making this claim, therefore it is their responsibility to back up their claim," giit ni Malaya.
Una rito, sinabi ni China na nangako umano sa kanila ang Pilipinas na aalisin ang nakasadsad na barko sa the Ayungin Shoal, na tinatawag ng Beijing na Ren’ai Jiao.
Nasa Ayungin Shoal ang BRP Sierra Madre mula pa noong 1999. Nagsisilbi itong military station ng ilang sundalo para bantayan ang naturang teritoryo na inaangkin din ng China.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang BRP Sierra Madre ay isang permanenteng military station na ang tungkulin ay "to protect and secure Philippine rights and interests in the West Philippine Sea."
"The deployment of a Philippine military station in its own areas of jurisdiction is an inherent right of the Philippines and does not violate any laws," sabi sa pahayag ni Foreign Affairs spokesperson Tess Daza.
Muling uminit ang usapin sa Ayungin Shoal matapos bombahin ng tubig ng Chinese Coast Guard ang mas maliliit na barko ng Pilipinas na magdadala sana ng supply sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa Chinese Ministry of Foreign Affairs, hindi tinutupad ng Pilipinas ang ipinangako sa kanila.
"In 1999, the Philippines sent a military vessel and deliberately ran it aground at Ren’ai Jiao, attempting to change the status quo of Ren’ai Jiao illegally... The Philippines promised several times to tow it away but has yet to act,” ayon sa pahayag ng Chinese Ministry of Foreign Affairs.-- FRJ, GMA Integrated News