Bangkay na at may tama ng bala sa ulo nang matagpuan sa tulay ang isang 15-anyos na binatilyo sa Santa Maria, Bulacan.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Justin Cuyos, na natagpuan sa Barangay Pulong Buhangin.

Sinabi ng kaniyang ina na nagpaalam si Cuyos na makikitulog sa bahay ng kaniyang tiyuhin.

Napag-alamang gumala pa ang binatilyo ngunit hindi na nakadiretso sa bahay ng tiyuhin at hindi na nakauwi kinabukasan.

Nananawagan ang pamilya ng binatilyo sa posibleng nakakita sa krimen na makipagtulungan sa mga awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News