Nasawi ang isang 23-anyos na babae matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang kumare dahil umano sa kanilang love triangle sa Novaliches, Quezon City.

Sa ulat ni GMA Integrated News reporter James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nasawi ang biktima nang magtamo ng saksak sa likod.

Naidala pa ang biktima sa ospital bago bawian ng buhay, ayon pa rin sa ulat.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nangyari ang insidente noong papasakay ang biktima ng pedicab.

Kinilala ang suspek na si Shiela Ilano, kumare ng biktima.

Karelasyon umano ng biktima ang kinakasama ng Ilano.

“Na-find out natin na itong suspek sa interview natin, kine-claim niya na siya ay isang battered partner ng kaniyang ka-live in. ‘Yung ka-live in niya naman ngayon may ibang girlfriend. Nakita niya ‘yung girlfriend, kasama ‘yung kapatid, sinaksak niya sa likod,” sabi ni Police Brigadier General Nicolas Torre III, director ng Quezon City Police District.

Agad na dinakip ng pulisya na rumesponde sa lugar ang suspek, at nabawi sa kaniya ang ginamit na kitchen knife.

Nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD ang suspek.

Ayon sa suspek, matagal na umano siyang niloloko ng kinakasama at ilang beses niyang nahuli na kasama nito ang kaniyang kumare.

Bago ang pananaksak, nakita pa niya umanong lumabas mula sa hotel ang dalawa.

Nahaharap ang suspek sa reklamong murder. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News