Inalis na sa puwesto ang anim na pulis sa Navotas City kaugnay sa pagkamatay ng isang 17-anyos na lalaki na napagkamalang umanong suspek ng mga pulis at pinagbabaril.
Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Saksi" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Jemboy Baltazar.
Papalaot na sana noong tanghali ng August 2 ang biktima para maghanapbuhay sa Barangay NBBS Kaunlaran nang mangyari ang trahediya.
Kuwento ng kaibigan ng biktima, nililimas nila ang tubig sa bangka na kanilang gagamitin nang dumating ang mga pulis at pinapababa sila.
Dahil nagpapaputok umano ng baril ang mga pulis, tumalon sa tubig si Baltazar at pinagbabaril pa rin.
Ang naturang kaibigan ni Baltazar, nakaligtas dahil itinaas niya ang kaniyang mga kamay.
Ayon sa pulisya, may tinutugis silang suspek sa pamamaril sa naturang barangay. Batay umano sa natanggap na impormasyon, nasa isang bangka sa NBBS ang suspek.
Pero inamin ng Navotas Police na hindi si Baltazar ang hinahanap na suspek, at mali ang proseso sa ginawang operasyon.
"Late na nilang nalaman. Nalaman na nilang namatay na iba pala ang nandoon. Dahil tumalon sa tubig, nagkamali sila dahil sa pagpapaputok sa tubig at tinamaan ang biktima," ayon kay Police Colonel Allan Umipig, hepe ng Navotas Police.
Dagdag niya, dapat ginamitan ng mga pulis ng megaphone ang binatilyo para sabihan na sumuko nang maayos.
Hindi naman matanggap ng pamilya ang sinapit ng biktima, na isang OFW ang ina.
Ayon kay Rodaliza, ina ng biktima at OFW ngayon sa Qatar, sadyang hindi binuhay ng mga pulis ang kaniyang anak dahil sa tinamo nitong mga tama ng bala sa mukha.
"Sino pang mabubuhay dun sa dalawang tama sa ilong, sa may sa noo. Sino pang mabubuhay sa ganun? Talagang hindi nila binigyan ng pagkakataon yung anak ko na mabuhay," hinanakita niya.
Sinampahan na ng kasong homicide ang anim na pulis na nagkasa ng operasyon. --FRJ, GMA Integrated News