Timbog ang isang lalaki matapos niyang halayin umano ang isang 13-anyos na babae na kaniyang kakilala sa Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, inilahad ng biktima na nangyari ang panghahalay umano sa kaniya ng 21-anyos na suspek na kaniyang kakilala noong Pebrero.

Nag-chat umano ang suspek na pumunta ang biktima sa kanilang lugar, at inakala ng biktima na naroon ang kaibigan niya at tatambay lamang sila sa labas.

“Pumasok po kami sa kanila. Hinubaran niya po ako ng short, tapos noong hinubaran niya po ako, pinipilit niya pong hubarin, itinataas [ko]. Hindi ko na na-ano, hinayaan ko na lang sa sobrang takot po,” pagsasalaysay ng biktima.

Kalaunan, nalaman ng kaniyang ina ang nangyari sa biktima, matapos mabasa ang usapan nila ng suspek na muling nag-aaya na makipagkita.

Labis ang galit ng ina matapos malaman ang ginawa ng suspek sa menor de edad niyang anak.

“Mabigat po kasi maraming nagbago sa anak ko eh. Andoon po ‘yung palasagot siya, iritable, lumalayas siya simula noong nangyari ang ganu’n. Nag-iba po, sinasagot-sagot niya ako,” anang ina ng biktima.

Base pa sa alegasyon ng ina ng biktima, nahawaan umano ng sexually transmitted disease ang kaniyang anak dahil sa panghahalay umano ng suspek.

Dinakip ng pulisya ang suspek nitong Miyerkoles sa bisa ng arrest warrant.

Tumangging magbigay ng panig ang lalaki, na nasa kustodiya na ng pulisya. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News