Umukit ng kasaysayan sa boxing si Terence Crawford matapos niyang talunin si Errol Spence Jr, at maging undisputed welterweight champ sa kanilang laban na ginawa sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada nitong Linggo (Philippine time).

Dahil sa panalo ng three-division champion na si Terence Crawford, siya rin ang kauna-unahang boxer na naging two-division undisputed champion.

Hawak ngayon ni Crawford, may record na 40-0 with 31 knockouts, ang WBC, WBA, WBO, at IBF world welterweight belt.

Itinigil ng referee ang laban sa ika-9 na round matapos ang walang humpay na pag-atake ni Crawford kay Spence na bakas ang pagiging hilo matapos na tamaan ng matitinding kombinasyon.

Bago nito, nalasap ni Spence ang kaniyang unang bagsak sa kaniyang boxing career sa second round ng kanilang laban mula sa kombinasyon ng suntok na pinakawalan ni Crawford.

Sa ikapitong round, dalawang beses pang bumagsak si Spence mula sa mga counter punch ni Crawford.

Nananatiling malinis ang fight record ni Crawford na 40-0 with 31 knockouts. Habang nadungisan ng isang talo ang marka ni Spence na 29-1 with 22 knockouts.

Dating lightweight at undisputed light welterweight world champion si Crawford, na ngayon ay kauna-unahang boxer na mapanalunan ang lahat ng belt sa dalawang weight divisions. --FRJ, GMA Integrated News