Mabulabog ang mga kumakain sa isang paresan sa Pasig Mega Market nang bigla na lang barilin ng isang lalaki ang biktimang nakaupo lang sa tabi nito.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, makikita sa isang video na nakaupo ang biktimang si Renz Madriaga, sa isang paresan sa Barangay Malinao, Pasig.

Maya-maya pa, dumating na suspek na nakatalukbong ng tuwalya, na nakilalang si Kim Edwinga, 24-anyos.

Ilang saglit pa, lumabas na si Edwinga at nilapitan si Madriga na ilang beses niyang pinagbabaril.

Nabulabog ang mga customer sa paresan habang tumatakbo naman at tumakas ang salarin.

Kaagad na dinala sa ospital si Madriaga, at inoobserbahan ngayon ang kaniyang kalagayan dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Dahil sa kuha ng CCTV, kaagad na nakilala si Edwinga, at naaresto ng mga awtoridad kinalaunan. Nakuha rin sa kaniya ang kalibre .38 na baril na ginamit sa krimen.

Ayon sa Pasig Police, nag-ugat ang krimen dahil palagi umanong ibinibintang ng biktima sa suspek ang mga insidente ng nakawan sa Pasig Mega Market.

Hindi nagbigay ng pahayag sa GMA Integrated News ang suspek.

“Inamin niya, sumama ang loob niya dahil nga sa tuwing magnakaw itong biktima, ‘yung pangalan ng suspek ang pinapaputok niya,” sabi ni Police Colonel Celerino Sacro, hepe ng Pasig City Police.

Nahaharap ang suspek sa reklamong frustrated murder. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News