Nasagip ang isang apat na taong gulang na bata matapos siyang mahulog sa isang masukal na lawa at marinig ang kaniyang mga pag-iyak sa Hillsborough County sa Florida, USA.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikita ang kuha ng body camera ng isa sa mga tauhan ng Sheriff’s Office kung saan maririnig din ang iyak ng bata.
Naging pahirapan ang paghanap sa pinagmumulan ng iyak dahil sa taas ng mga talahib, at may kalaliman din ang tubig sa lawa.
Sa isang punto, tumigil saglit ang mga officer upang magplano kung paano maaabot ang pinanggagalingan ng iyak.
Hanggang sa isa sa kanilang mga kasamahan ang lumusong sa kabilang bahagi ng lawa, at nakumpirmang may bata roon na nahulog.
Nakakapit noon ang bata sa damo para hindi mahulog.
Ayon sa imbestigasyon ng Sheriff’s Office, nakatira ang pamilya ng bata, sa isang trailer kung saan ang pinto ng kuwarto ay malapit sa backdoor.
Sinabi ng mga magulang ng bata na hindi nila namalayang lumabas na ng trailer ang kanilang anak dahil inakala nilang natutulog lamang ito sa loob ng kwarto.
Lumabas pa sa imbestigasyon na non-verbal o hindi nakapagsasalita ang bata kaya hindi ito makasigaw para humingi ng saklolo.
Walang tinamong malalang injuries ang bata sa kabutihang palad.
Gayunman, posibleng managot ang kaniyang mga magulang kung mapatunayang may pagkukulang sila sa insidente.
“The deputies had to go door-to-door in the trailer park near the pond. Within 40 minutes of deputies arriving on scene, they were able to track down the mother. The Department of Children and Families is working to determine if negligence played a role in this young boy’s disappearance,” sabi ni Phil Martelo ng Hillsborough County Sheriff’s Office. — VBL, GMA Integrated News