Nasabat sa isang lalaki at kasabwat niyang menor de edad ang P306,000 halaga ng shabu umano sa isinagawang buy-bust operation sa Quezon City. Ang binatilyo, iginiit na nadamay lang siya.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nadakip ang suspek na si Michael Velarde at ang kasabwat niyang binatilyo sa loob ng isang bahay Lunes ng gabi.
Nabilhan sila ng droga ng isang pulis na nagpanggap na buyer.
Ayon sa pulisya, itinuturo si Velarde ng kaniyang mga kapitbahay at ng mga naunang nahuli na siyang nagtutulak ng droga sa lugar, habang ang menor de edad naman ang nagsisilbing lookout o taga-deliver nito.
Nakuha sa mga salarin ang nasa 45 gramo ng shabu umano.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang posibleng source ng droga.
Kadalasang parokyano ng mga suspek ang mga palero o ang mga sumasampa sa mga truck.
“Nadamay lang po talaga ako. Nakasalubong ko po sila. Nagulat po ako, bigla nila akong sinama. Nakuhanan po nila ako ng droga tapos nakuha nila ‘yung cellphone ko. Napag-utusan lang naman po ako eh na ipaabot po ‘yun,” anang menor de edad.
Itinanggi naman ni Velarde na inuutusan niya ang menor de edad na mag-abot ng droga.
Mahaharap si Velarde sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang ite-turnover sa Social Services Development Department ng Quezon City LGU ang menor de edad.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News