Ang anak ng matandang amo na unang kinasuhan ng obstruction of justice ang itinuturing ng pulisya na pangunahing suspek sa pagpatay sa isang kasambahay na nakita ang bangkay na nasa drum sa Cainta, Rizal.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Kenneth Duncan, 35,anyos, na sinasabing nakalabas na umano ng bansa at nagtungo sa Taiwan.
Batay umano sa pahayag ng mga saksi sa pulisya, napuruhan umano ni Duncan ang biktimang si Maribel Vilma Bascal, 42-anyos, nang komprontasyon niya ang huli dahil sa isang ginawa nito.
Itinuturing ng mga awtoridad na kasabwat ni Duncan sa krimen ang kaniyang ina, na nauna nang inaresto at kinasuhan ng obstruction of justice.
Sa nakaraang ulat, sinabi ng awtoridad na hindi kaagad pinapasok ng matandang amo ang mga imbestigador sa bahay.
Sinabihan din umano nito ang mga pulis na patay na hayop lang ang masangsang amoy sa kanilang bakuran. --Jiselle Casucian/FRJ, GMA Integrated News