Pumanaw na ang apat na taong gulang na pamangkin ng photojournalist na si Rene Joshua Abiad, na kasama sa mga nasugatan nang tambangan ang kanilang sasakyan sa Quezon City noong June 29, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).
Sa panayam ng GTV news "Balitanghali" nitong Lunes, sinabi ni QCPD public information office chief Police Captain Johanna Lavarias, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang bata.
Sakay ng SUV si Abiad, photographer ng Remate Online, kasama ang ilan niyang kamag-anak, nang tambangan sila ng mga salarin na nakasakay sa isang kotse sa Barangay Masambong dakong 3 p.m. noong June 29.
Isang motorsiklo rin ang nakitang bumuntot sa kotse nang tumakas na ang mga salarin.
Ayon sa pulisya, anim ang lahat ng biktima, kabilang ang tatlong menor de edad. Isang bystander din ang tinamaan ng ligaw na bala.
Sinabi ni Lavarias na "stable" na ang kalagayan ng ibang biktima.
Natukoy na umano ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng limang persons of interest sa nangyaring ambush, ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.
Sinabi ni Fajardo na ang plaka na nakakabit sa kotse ng mga salarin ay nakarehistro sa ibang sasakyan.
Ayon kay Fajardo, kompiyansa si QCPD chief Police Brigadier General Nick Torre, na madadakip ang mga suspek bago matapos ang linggong ito. --FRJ, GMA Integrated News