Taliwas sa mga lumalabas sa social media, pinabulaanan ng isang bouncer at isang staff ng bar sa Makati City na may nangyaring panghihipo sa isa sa mga kaibigan ni Awra Briguela, na humantong sa kaguluhan sa lugar. Ang bouncer, iginiit na ang pamimilit ni Awra na pahubarin ang isang lalaki ang puno’t dulo ng away.
Sa ulat ni Nico Waje sa ''24 Oras Weekend'' nitong Sabado, mapapanood ang pag-alis na sana ng isang lalaking naka-gray sa CCTV ng bar kung saan nagparty ang grupo nina Awra.
Gayunman, makikita ang puwersahan at malakas na paghatak sa kaniya ni Awra, kaya natumba maging ang artista.
Nakawala ang lalaking naka-gray, ngunit sinundan pa rin siya ni Awra at itinulak. Nakalabas na ang lalaki, ngunit sumunod pa rin si Awra at muling nanulak.
Hanggang sa umawat na ang bouncer na si Onin.
Dito na rin inawat ng kaniyang mga kaibigan si Awra samantalang lumabas ng bar ang lalaki, ngunit pilit pa rin siyang hinahabol ni Awra.
Sa isang punto, ang bouncer na ang humawak kay Awra, ngunit nagkabukol siya matapos umanong masuntok ng artista. Bukod dito, nakalmot din siya ni Awra sa kaniyang braso.
Dahil dito, nagsampa siya ng kaso laban sa artista, at idinagdag na sa harap din niya nangyari ang pagpupumiglas ni Awra sa mga pulis.
“Pinipilit siyang pakalmahin pero hindi talaga siya kumakalma. Kahit sa pulis, galit na galit din siya. Tinatadyakan po niya ‘yon,” sabi ni Onin.
Bago sumiklab ang rambol, bantay-sarado ni Onin ang parehong grupo. Iginiit ng bouncer na walang nangyaring panghihipo.
“Kung makikita po ninyo walang bastusan na nangyari, na may binastos na babae. Wala po roon na binastos,” sabi ni Onin.
Sinabi pa ng isang staff ng bar na nagtanong sila mismo sa kasama ni Awra kung totoo na may nahipuan, ngunit walang maituro ang grupo.
Nag-scan din sila ng CCTV pero wala rin silang nakitang hipuang nangyari.
“Wala pong deserve na hipuan or bastusin. Dito po sa bar namin hindi namin tinotolerate ‘yun,” anang staff ng bar.
Iginiit ng bouncer na ang pamimilit ni Awra na pahubarin ang lalaki ang puno’t dulo ng away.
“Noong ibinalik ang damit, gusto ni ma’am Awra na pati ‘yung pants huhubarin po. So hindi na po pumayag ‘yung guest,” sabi ni Onin.
Sinabi ng staff ng bar na nag-asikaso sa grupo nina Awra, pang-apat na beses na ng artista na uminom sa bar, ngunit unang beses nitong nasangkot sa gulo.
Noong una rin ay maayos ang mga customer.
“Every time na pumupunta siya rito napakabait po talaga. Nagulat kami that moment, hindi na po siya makontrol,” sabi ng staff ng bar.
Ilang kaibigan ang bumisita sa magdamag kay Awra, na hindi pa rin humaharap sa media nitong Sabado at nagbibigay ng pahayag.
Bukas ang Makati City Police kung maghahabla ang kampo ni Awra matapos magtanong sa kanila ang babaeng kasama ng artista, na hinipuan umano, kung saan puwedeng magsampa ng reklamo. —VBL, GMA Integrated News