Inihayag ng hepe ng Makati Police Station na wala pa sa mga kasamahan ni Awra Briguela na sinasabing hinipuan sa bar na dahilan ng gulo ang naghahain ng reklamo. Sa halip, sinabi ng isang lalaki na gusto umano ni Awra na maghubad siya ng damit at pantalon nang humiling siya na magpakuha ng larawan.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Police Colonel Edward Cutiyog, hepe ng Makati Police Station, na tinanong nila ang grupo ni Awra kung may nais na magreklamo dahil hinipuan sila ng mga lalaki sa bar pero wala umanong may gusto.
"Tinanong natin sa grupo ni Awra kung mayroong magko-complaint kung sinasabing may allegedly may hipuan, yun din yung sinasabing ugat [ng gulo] pero so far wala naman," anang opisyal.
"If mayroong pumunta rito at mag-complaint, then we will assist immediately. Kasi pare-parehas po tayo. Kung mag-charge, counter-charge so be it," giit niya.
Sa isang video na kuha umano sa loob ng bar bago mangyari ang rambulan sa labas ng bar sa Poblacion kung saan inaresto si Awra, makikita ang celebrity vlogger na masayang nakikipag-kantiyawan kasama ang ibang tao sa loob.
Sa sandaling iyon, kinakantiyawan umano ang lalaking nagreklamo na maghubad ng damit para makapagpakuha ng larawan kay Awra. Pero hindi umano pumayag ang lalaki nang sandaling iyon.
Dakong 5 a.m., makikita sa CCTV camera na lumalabas na ang mga kasama ni Awra at nakikipagbatian pa umano sa grupo ng mga kasama ng lalaking nagrereklamo.
Sa video, makikita si Awra na tila kinompronta ang lalaki na naunang pinaghuhubad umano nito ng damit.
Naghubad naman ang damit ang lalaki pero sunod umano na gusto ni Awra na maghubad din siya ng pantalon. Hindi na raw pumayag ang lalaki at doon na raw nagalit si Awra at sinundan sila ng kaniyang kaibigan kahit lumabas na sila.
Makikita rin sa video na inaawat ng mga bouncer si Awra hanggang sa nakarating na sa labas ng bar at doon na nangyari ang kaguluhan.
Ayon kay Cutiyog, inaresto ng mga pulis si Awra dahil ayaw nitong magpaawat at nagsasalita na ng hindi maganda sa mga awtoridad.
Sinusubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ni Awra pero wala pa siyang komento, maging ang abogado na tumutulong sa kaniya.
Tinawag naman ng LGBT group na Bahaghari na "self-serving" ang mga testimonya ng mga nagrereklamo laban kay Awra.—FRJ, GMA Integrated News