Muling nanawagan ang ilang mambabatas na alisin na ang POGO sa bansa matapos mapaulat ang kalupitang sinapit ng ilang kidnap victims na mga Chinese sa kamay ng kanilang mga kababayan na Chinese din.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing napag-alaman ng mga awtoridad na isang manager ng POGO ang binihag ng tatlong Chinese suspect na hinuli dahil sa kidnapping.
Ang ilang biktima ng kidnapping, pinuputulan ng daliri para takutin ang mga kaanak ng mga ito upang magbayad ng ransom.
Pinaghahanap pa umano ng mga awtoridad ang 25 suspek na sangkot sa kidnapping, at lima umano sa mga ito ay mga Pinoy.
“Foreign kidnap syndicates have become bolder and more brutal because of the aid of cohorts and poor monitoring by authorities,” ayon kay Senadora Grace Poe.
Dahil dito, kailangan ng mabilisang aksyon dahil malinaw na isang law enforcement problem ang hindi matigil umano na kidnapping ng mga Chinese national.
“Patuloy akong mananawagan sa Senado na palayasin na ang mga POGO sa bansa. The entire industry is a threat to our national security and to our people,” ayon naman kay Senadora Risa Hontiveros.
Ang mga panawagan ay sinuportahan ng Movement for The Restoration of Peace And Order, na nagsabing ang POGO umano ang nagbigay daan para makapasok sa bansa ang mga international syndicate.
“Cambodia and Laos had a big crackdown against POGO kaya sila dito nagtakbuhan so why is our country a safe haven for criminals and transnational syndicates like that? Where is the failure coming from?” sabi ni Teresita Ang-See ng Movement for The Restoration of Peace And Order.
Nanindigan naman ang PNP na hindi nila tinitigilan ang paghabol sa mga sangkot sa mga krimen na konektado sa POGO.
“Patuloy nating pinapalakas ‘yung ating effort at ating kampanya sa paghuli sa mga international criminals. Kailanman ay hindi magiging safe haven ang Pilipinas ng mga international criminals,” sabi ni Police Brigadier General Redrico Maranan, PIO Chief ng PNP.
Base na rin sa estilo ng mga suspek na nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation, hindi umano malayo na ang naturang grupo rin ang nasa likod ng iba pang mga kaso ng pagdukot na iniimbestigahan ng PNP Anti-Kidnapping Group o AKG.
Magpapakalat umano ang AKG ng mga poster sa mga building na may POGO at mga lugar na madalas puntahan ng mga POGO worker sa susunod na buwan, para malaman nila kung paano i-report ang mga kaso ng kidnapping. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News