Sugatan ang isang mamamahayag matapos tambangan ng mga salarin na nakasakay sa kotse sa Barangay Masambong, Quezon City nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ni Glen Juego ng Super Radyo dzBB, sinabing nangyari ang pamamaril sa panulukan ng Corumi at Gazan Streets dakong 3:45 p.m.
Kinilala ang biktima na si Joshua Abiad, photographer ng Remate Online, na sakay din ng kaniyang kotse nang mangyari ang pananambang.
FLASH REPORT: Isang mamamahayag, sugatan sa pamamaril sa Quezon City. | via @glenjuego pic.twitter.com/MZR0epA544
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 29, 2023
Sa kuha ng CCTV camera sa barangay, makikita na hinarang ng mga salarin ang sasakyan ng biktima.
Isa sa mga suspek ang bumaba mula sa sasakyan ang pinaputukan ang sasakyan ng biktima.
WATCH: Isang mamamahayag, sugatan sa pamamaril sa Quezon City.
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 29, 2023
???? Glen Juego pic.twitter.com/ubTTH8JzUy
Isang motorsiklo rin ang nakitang sumunod sa mga suspek habang tumatakas.
Dinala sa pagamutan ang biktima, habang patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring krimen.
Sa Facebook post ng Presidential Task Force on Media Security, mariin nitong kinondena ang ginawang pananambang kay Abiad.
Sa pahayag, sinabing nagtamo ng dalawang tama ng bala si Abiad. Sugatan din umano ang mga kasama nito sa sasakyan na dalawang kapatid at isang pamangkin.
Idinagdag ng task force na miyembro ng National Press Club si Abiad, at testigo umano ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga drug related cases. --FRJ, GMA Integrated News