Pinaniniwalang may nakitang mga labi ng tao sa narekober na mga parte ng Titan sub na nawasak (imploded) habang sumisisid patungo sa lumubog na barkong Titanic na nagresulta sa pagkasawi ng limang tao, ayon sa US Coast Guard.
"United States medical professionals will conduct a formal analysis of presumed human remains that have been carefully recovered," saad ng USCG sa ulat ng Agence France-Presse.
Sakay ng Titan sub ang British explorer na si Hamish Harding, French submarine expert Paul-Henri Nargeolet, Pakistani-British tycoon Shahzada Dawood at anak na si Suleman, at si Stockton Rush, ang CEO ng sub's operator OceanGate Expeditions.
Pinaniniwalaang kaagad na namatay ang lima sa loob ng Titan sub (na halos kasinglaki lang umano ng SUV) dahil sa matinding pressure sa lalim ng dagat na mahigit dalawang milya (halos apat na kilometro) sa North Atlantic.
Nakuha na ang mga bahagi ng Titan sub na iniangat sa eastern Canada, at ililipat sa US Coast Guard cutter patungo sa US para sa mas masusing pagsusuri sa dahilan ng trahediya.
"There is still a substantial amount of work to be done to understand the factors that led to the catastrophic loss of the Titan and help ensure a similar tragedy does not occur again," sabi ni Captain Jason Neubauer, namumuno sa pagsisiyasat sa nangyari sa Titan sub.
Kabilang sa mga bahagi ng Titan sub na nakuha ang hinihinalang nose cone nito at isang side panel na may mga nakalawit na electronics at wires sa Canadian Coast Guard terminal sa St. John's, Newfoundland.
Ayon sa Pelagic Research, ang New York company na may-ari ng Odysseus remote-operated vehicle na ginamit sa paghahanap sa Titan sub, ititigil na ang offshore search-and-recovery operation.
Nakita sa ilalim ng dagat ang mga bahagi ng Titan sub sa layong 1,600 feet (500 meters) mula sa lumubog na Titanic.—AFP/FRJ, GMA Integrates News