Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng isang menor de edad sa Tondo, Maynila. Ang suspek, nagsangla umano ng relo sa biktima na nais na nitong mabawi.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Saksi" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Rolando Francisco na dead on arrival sa ospital dahil sa tinamong tama ng bala.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na nakikipagkuwentuhan sa likod ng pedicab sa panulukan ng Dandan at Osmena Sts. noong Martes ng gabi, nang biglang sumulpot mula sa eskinita ang suspek at pinagbabaril si Francisco.

Tumakas ang suspek matapos bumagsak ang biktima. Gayunman, nahuli ang suspek sa isinagawang follow-up operation at nakuha sa kaniya ang isang 9mm na kalibre ng baril.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na isinanglang relo ng suspek sa biktima ang ugat ng away ng dalawa.

Ayon kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng MPD Homicide Section, bago nangyari ang krimen, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahil nais na umano ng suspek na tubusin ang relo na isinangla niya sa biktima.

Sinabi umano ng suspek na pinagbantaan siya ng biktima kaya inunahan na niya, sabi pa ni Turla.

Kahit menor de edad ang suspek, sasampahan siya ng kasong murder at illegal possession of firearms.--FRJ, GMA Integrated News