Naaresto ng mga awtoridad sa Pasay ang tatlong Chinese national na sangkot umano sa kidnapping ng kanilang mga kababayan na Chinese rin. Ang ilan sa mga biktima, pinutulan ng daliri.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita sa video ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga biktima na nakapiring ang mga mata at nakaposas.
Ipinakita rin ang ilang biktima na putol ang daliri sa kamay, at mayroon din pinutulan ng daliri sa paa.
Mayroon din mga biktima na hinihiwaan ang balat at nilagyan ng asin para lalong masaktan.
Ang mga video ng karahasan sa mga biktima, nakita umano sa cellphone ng isa sa mga naarestong suspek.
"They hit me all over the body with a baseball bat. Then they cut my skin, they salted my skin, they hit me all the time," ayon sa isang biktima.
Ayon sa National Bureau of Investigation, isa sa mga nasagip na biktima ay pinatutubos umano ng mga suspek sa halagang P100 milyon.
Napababa umano ang ransom sa P14 milyon, at kinuha ng mga suspek ang mamahaling SUV ng biktima.
Nang kukunin na ng mga suspek ang sasakyan, doon na sila naaresto ng mga awtoridad.
"They torture these victims, then they send the video of the torture to the Chinese family of these victims to force them to give money," ayon kay Atty. Jerome Bomediano, NBI AOTCD chief.
Sinabi pa ni Bomediano na posibleng bahagi ng organized syndicate ang mga naarestong suspek, at posibleng may kasabwat silang Filipino.
Sasampahan ng kasong kidnap for ransom at illegal possession of firearms ang mga naarestong suspek. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News