Tinanggalan ng lisensiya ng Korte Suprema bilang abogado si Lorenzo "Larry" Gadon dahil sa hindi kanais-nais nitong mga salita sa isang mamamahayag. Pero mananatili pa rin siya sa bago niyang posisyon bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation ng administrasyong Marcos.
Sa tweet nitong Miyerkules, inihayag ng SC Public Information Office ang boto ng SC en banc na 15-0 para i-disbar o alisan ng lisensiya sa pagiging abogado si Gadon.
“By a unanimous vote of 15-0, the Supreme Court En Banc resolved to disbar Atty. Lorenzo "Larry" Gadon for the viral video clip where he repeatedly cursed and uttered profane remarks against journalist Raissa Robles,” ayon sa tweet.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Gadon na maghahain siya ng motion for reconsideration "on the ground that the penalty is too harsh."
“My remedy and reaction to this is to file a Motion For Reconsideration on the ground that the penalty is too harsh for the alleged cause which was my outburst against a reporter who was blatantly spreading lies against Pres BBM (Bongbong Marcos) during the campaign period intended to fool the public on issues intended to cause damage to the candidacy of Pres Ferdinand Marcos Jr.,” paliwanag niya.
Kamakailan lang, itinalaga ni Marcos bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation, na ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin ay hindi maaapektuhan sa naging pasya ng SC.
“He will continue on his new role as Presidential Adviser on Poverty Alleviation as there are urgent matters that need to be done in the President's anti-poverty programs,” sabi ni Bersamin sa isang pahayag.
“The President believes he will do a good job,” dagdag pa ng opisyal patungkol kay Gadon.--FRJ, GMA Integrated News