Umangat sa No. 5 na puwesto ng "Angas ng 'Pinas" na si dating three-division champion John Riel Casimero sa Super Bantamweight ng World Boxing Organization (WBO).
Nangyari ang pag-angat sa ranking ni Casimero matapos niyang talunin nitong nakaraang buwan si Fillipus Nghitumbwa sa kanilang laban na ginawa sa bansa.
May record si Casimero na 33 na panalo, kabilang ang 22 knockouts, at apat na talo bilang professional boxer.
Sa kanilang laban ni Nghitumbwa, nagwagi ang Pinoy fighter via unanimous decision at nakuha ang WBO global super bantamweight title.
Dahil sa panalo, tumataas ang pag-asa ng 34-anyos na tubong Ormoc City na muling makalaban sa isang championship bout upang makuha ang kaniyang fourth weight division na paghaharian.
Kasalukuyang hawak ng unified super bantamweight champ na si Stephen Fulton ang WBO world super bantamweight belt.
Nakatakdang makaharap ni Fulton ang Japanese pound-for-pound superstar na si Naoya Inoue sa July 25 sa Ariake Arena sa Tokyo, Japan. —FRJ, GMA Integrated News