Labis ang galit ng isang ama na nasa banig ng karamdaman dahil sa sinapit ng kaniyang anak na babae na pinatay at pinagputol-putol pa ang katawan sa Antipolo, Rizal. Ang suspek na umamin sa krimen, ang live-in partner ng biktima na nagsisisi umano sa kaniyang ginawa.

Tanghali noong June 9, 2023 nang unang makita ang ilang bahagi ng katawan ni Lanie Cabanet Loreto, sa ilalim ng tulay ng NHA sa Barangay Dela Paz.

Kinalaunan, nakita na rin sa iba pang lugar sa Antipolo ang iba pang bahagi ng katawan ng biktima.

Noong una, idinahilan ng suspek na si Vince Ramos na huli niyang nakitang buhay si Lanie nang ihatid niya ito sa Cogeo noong gabi ng June 7.

Pero noong June 10, sinabi ng pulisya na nakonsensiya umano si Ramos at inamin na ang ginawang pagpatay at pag-chop-chop sa katawan ng biktima.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Ramos na nagkaroon sila ng pagtatalo ni Lanie dahil nais umano ng biktima na bumalik sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Nang magsisigaw umano si Lanie, nasuntok niya ito at nawalan ng malay. Sa pagnanais na maisalba umano niya ang biktima, diniin niya ang dibdib nito pero may narinig siyang paglagutok ng buto.

Dahil sa pagkataranta, naghanap siya ng plastik na paglalagyan umano sa katawan ng biktima para mailabas ng bahay. Pero dahil maliliit ang nakuha niyang plastic bag na itim, napilitan na siyang pagputol-putulin ang katawan ni Lanie.

Ayon sa ama ni Lanie na si Rodrigo na maysakit, para siyang sinukluban ng ulap sa sinapit ng kaniyang anak.

Kuwento niya, lagi umanong sinasaktan ni Ramos ang kaniyang anak.

"Lagi binubugbog 'yan, sumisigaw 'yan, 'Tatay, tulong," saad ni Mang Rodrigo.

Ang pambabae umano ang madalas na pag-awayan nina Lanie at Ramos, bagay na inamin ng suspek.

Napag-alaman na bago makilala ni Lanie si Ramos, galing na ang biktima sa dalawang relasyon na nag-iwan sa kaniya ng limang anak. Bukod pa sa isang anak nila ni Ramos.

Ayon sa panganay na anak ni Lanie na si Steffanie, mahal ng kaniyang ina si Ramos kaya ayaw nitong makipaghiwalay. Bukod dito, ayaw na umano ng kaniyang ina na mawalan muli ng ama ang anak nito.

Pero hindi naniniwala si Steffanie, na nais ng kaniyang ina na muling bumalik sa pagbebenta ng ilegal na droga. Aniya, mabait at mapagmahal ang kaniyang ina kahit pa nasangkot ito noon sa droga.

Aminado naman si Ramos na gumagamit siya ng ilegal na droga pero hindi umano siya lango sa droga nang mangyari ang krimen.

Humingi si Ramos ng patawad sa pamilya ni Lanie, sa anak, at maging sa kaniyang biktima.

"Sa pamilya ni Lanie pasensya na kayo kung anuman ang nagawa ko sa mama ninyo. 'Tay, sorry po nagsinungaling ako sa sa'yo. Nagsisisi po talaga ako," ani Ramos.

Umiiyak niyang mensahe kay Lanie, "Mahal, pasensya ka na kung anuman ang nagawa ko sa'yo, sa kung anumang pambababoy na nagawa ko sa katawan mo. Sa anak ko rin pasensiya ka na. Sana mapatawad niyo po ako."

Ang ama ni Lanie, nais na gawin kay Ramos ang ginawa sa kaniyang anak.

"Kung puwede lang kung ano ang ginawa niya kay Lanie ganun din sana ang sapitin niya," ani Rodrigo.

"Kung puwede lang maski masakit ngipin ko ngatngatin ko mukha niya sa galit ko ngayon," sabi pa niya.

Ayon sa pulisya, lumitaw sa pagsusuri sa bangkay ng biktima na nagtamo si Lanie ng sugat sa ulo na maaaring dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Patay na umano ang biktima nang pagputol-putulin ni Ramos ang katawan nito.

Sinampahan ng kasong murder si Ramos. --FRJ, GMA Integrated News