Kabilang ang isang bilyonaryong Briton sa limang sakay ng nawawalang maliit na submarine na gamit ng mga turistang papunta sana sa lumubog na barkong Titanic.

Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Martes, kinilala ang bilyonaryo na si Hamish Harding.

Nawala umano ang submarine sa karagatang bahagi ng southeastern Canada.

Papunta sana ang grupo sa lugar kung saan lumubog ang barkong Titanic noong 1912.

Batay sa post sa Facebook ni Harding, inihayag nito na naglayag sila mula sa Cape Cod sa Massachusetts, USA noong Biyernes. Papailalim umano dapat ang submarine nitong Lunes ng umaga.

Kaya umanong manatili ng submarine sa ilalim ng dagat ng hanggang apat na araw. Pero hindi matiyak kung nasa ilalim ba ng dagat ang submarine o nakalutang na dahil sa wala itong komunikasyon.

Patuloy ang isinasagawang seach and rescue operation ng mga awtoridad.

"It is a remote area and it is a challenge to conduct a search in that remote area," ayon kay US Coast Guard Rear Admiral John Mauger.

"We are deploying all available assets to make sure that we can locate the craft and rescue the people on board," saad niya. "Going into this evening we will continue to fly aircraft and move additional vessels."

--FRJ, GMA Integrated News