Gusto nang ipagbawal ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbebenta ng lato-lato dahil hindi raw sigurado kung ligtas ang mga materyal na ginagamit diyan.
Ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, wala raw certificate of product notification ang mga lato-lato, na popular ngayong laruan ng kabataan.
"Kung may certificate na si FDA (Food and Drug Administration) na wala siyang certificate of product notification, [it] shouldn't be sold in the market," ani DTI Undersecretary Ruth Castelo.
"Hindi siya dapat nabebenta, hindi siya dabat nakikita. And I'm sure the FDA is also moving on this, nagi-enforce din sila na alisin sa market 'yung produkto dahil wala ngang CPN. Tutulungan lang natin sila," dagdag pa niya.
Hindi raw na-test ng FDA ang materyales na ginagamit sa paggawa ng lato-lato.
"Pero 'yung material na ginagamit doon sa laruan na iyon, hindi naman na-test ng FDA. So 'yung chemical compounds that are included in the plastic formulation na gamit hindi natin alam kung may hazardous substances siya like lead content," ani Castelo.
"Kailangan talagang dumaan muna sa mas masusing pagsusuri ng FDA," dagdag pa niya.
Sa Divisoria, nakalagay sa plain plastic ang mga ibinebentang lato-lato hindi paris ng ibang laruan na may label. Umaabot sa P40 hanggang P100 ang bentahan ng kada piraso ng lato-lato depende sa laki at klase.
Dahil sa plano ng DTI, nanawagan ang mga nagtitinda sa kanilang supplier maglagay na ng label sa kanilang mga produkto. —KBK, GMA Integrated News