Nag-alok ng kabuuang P3 milyong pabuya ang Department of Justice (DOJ) sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para madakip sina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dating deputy officer Ricardo Zulueta na suspek sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sa ambush interview nitong Lunes kay Justice spokesman Asec. Mico Clavano, sinabing P2 milyon ang nakalaang pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon upang madakip si Bantag, at P1 milyon naman para kay Zulueta.
Nahaharap sina Bantag at Zulueta sa kasong pagpatay kina Percy Lapid at Jun Villamor, na umano'y middleman sa pagpatay sa nasabing mamamahayag.
“It is crucial that these individuals are brought to justice and held accountable for their alleged actions. Your cooperation can make a significant difference in ensuring the swift apprehension of Bantag and Zulueta and providing closure to the families of the victims,” ayon kay Clavano.
LOOK: Justice spokesman Asec. Mico Clavano holds up wanted poster of Bantag and Zulueta | @joahnacasilao pic.twitter.com/SUjwZaDecO
— GMA News Breaking (@gmanewsbreaking) June 19, 2023
Tiniyak ng opisyal na magiging lihim ang pagkakakilanlan ng sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa kinaroronan nina Bantag at Zulueta.
Ang sinuman na nais na magbigay ng impormasyon ay maaaring tumawag sa 0945 831 058 at 0928 416 9585, ayon kay Clavano.
Una rito, nagpalabas na ng arrest warrant laban kina Bantag at Zulueta ang Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206 at Las Piñas Regional Trial Court Branch 254, kaugnay sa nangyaring pagpatay kina Lapid at Villamor noong Oktubre 2022.
Bukod dito, may iba pang kaso na kinakaharap sina Bantag at Zulueta kaugnay sa naging pamamahala noon sa BuCor. --FRJ, GMA Integrated News