Plano ni Health Secretary Ted Herbosa na bigyan ng temporary license ang mga nursing graduate na hindi umabot sa 75% passing score sa board exam, o 70 hanggang 74% ang nakuhang grado sa pagsusulit.
Inihayag ito ni Herbosa nitong Lunes kasabay ng paglilinaw sa plano niyang payagang makapagtrabaho sa mga government hospital ang mga nursing student na hindi nakapasa sa board exam.
Ayon pa kay Herbosa, kailangan pa rin naman na kumuha ulit ng pagsusulit ang mga bibigyan ng temporary license.
“We will tap the nurses who are board eligible. So nakapasa. Hindi lahat ah. Siguro 'yung lumagpak na — 70 to 74 [percent] ang marka,” paliwanag ng kalihim sa ambush interview sa turnover ceremony sa DOH office sa Maynila.
“Propesor ako. ‘Yung 70 to 74, puwede kong ipasa ‘yun kung ako ang propesor. Kung nakita ko na maganda naman ang recitation and everything, ipapasa kita sa klase ko,” dagdag niya.
Ayon kay Herbosa, sumang-ayon na si Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa naturang plano at makikipag-ugnayan ito sa Professional Regulation Commission (PRC) para sa ibibigay na temporary licenses.
Sinabi pa ng bagong kalihim ng DOH na kapag naipasa na nila ang board exam, pipirma sila ng four-year return service agreement sa government hospital bago sila papayagang magtrabaho sa ibang bansa.
Tinatayang P35,000 hanggang P40,000 ang starting salary ng nursing graduates na magtatrabaho sa mga government hospital.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Herbosa na mayroong 4,500 na bakanteng plantilla items para sa mga nurse sa mahigit 70 DOH hospitals.
“Huwag umasa lahat ng nurse ha. Mayroong specification. Tsaka ‘yung 4,500 vacancies ko, hindi lahat Metro Manila ‘yon. All over the country ‘yon. So 'pag napuno na siya, tigil na muna ‘yung temporary license,” paglilinaw ng kalihim.—FRJ, GMA Integrated News