Pinatunayan ng isang mag-asawa ang wagas nilang pagmamahalan nang i-donate ng babae ang isa niyang kidney sa kaniyang mister upang madugtungan ang buhay nito matapos ma-diagnose na may Stage 5 o end-stage Chronic Kidney Disease.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend" nitong Linggo, sinabing hindi nag-atubili si Irene Lupais Aidon-Guieb na i-donate ang isa niyang bato sa kaniyang mister na si Prince nang malaman niya na maaari siyang maging donor ng kaniyang kabiyak sa buhay.

"Ang sabi sa amin, kung gusto namin siyang mabuhay either mag-undergo po siya ng dialysis or mag-kidney transplant," kuwento ni Irene.

Nang malaman na maaari siyang maging kidney donor sa kaniyang mister, agad silang sumailalim sa mga test para sa isasagawang kidney transplant.

"After ng operation, wala naman pong ibang nabago. Sobrang saya ko dahil nailigtas ko yung buhay ng asawa ko," pahayag ni Irene.

Labis naman ang pasasalamat ni Prince sa ibinigay sa kaniyang biyaya ng Diyos.

"Ito yung biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin. Maraming salamat hon. I love you hon," ani Prince.

Ngayong Hunyo, ginugunita ang National Kidney Month sa bisa ng Proclamation No. 184 na nilagdaan ni dating Pangulong Fidel Ramos noong 1993.

Itinuturing isang patunay si Ramos na maaaring mabuhay nang matagal ang isang tao kahit isa lang kidney.

Pumanaw si Ramos noong July 2022 sa edad 94.

READ: ‘The doctor might not save me’ plus 9 other myths about being an organ donor

Ayon National Kidney ang Transplant Institute (NKTI), dumadami ang mga Pinoy na nagkakaroon ng sakit sa bato.

Tumaas din sa 20 porsiyento ang mga nagpapa-dialysis mula sa dating 15 porsiyento.

Sa paggunita ng National Kidney Month, layunin na mapalaganap ang impormasyon tungkol sa pangangalaga sa bato sa pangunguna ng NKTI.--FRJ, GMA Integrated News