Ang isang barangay sa Quezon City, gusto na ipagbawal ang laruang lato-lato.

Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend, naging viral ang isang video ng parang showdown ng mga batang nagla-lato-lato sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City nitong Sabado.

Maya-maya, isang bata ang tumawid ng daan at tinulak ang isa pang naglalaro, hanggang nauwi sa rambulan na sinalihan ng ibang kabataan. May dinaganan, tinadyakan, nagsuntukan, at may nanghampas na rin ng lato-lato sa ulo.

"Ninerbyos talaga din ako. Biruin mo ang daming batang mai-involved doon? ...Palapit pa lang yung mga pulis at BPSO [Barangay Public Safety Officers], wala na, tapos na," ani Barangay Chairperson Lydia Ballesteros.

Nakausap ng GMA Integrated News ang lolo ng batang unang nanugod base sa video.

"Noong una pa lang sinisiko na raw siya, di siya kumikibo...mayroon siyang narinig ...na parang nadamay yung pangalan ng nanay niya. Napikon siya. Sinugod niya," sabi ng lolo.

Sabi ng barangay, walang report sa kanila ng lubhang nasaktan. Wala rin daw nagreklamong magulang.

Pero plano ni kapitana na ipagbawal na ang lato-lato sa barangay.

Kakausapin daw nila ang mga magulang, paaralan at mga negosyanteng maapektuhan.

"Tigilan na 'yang lato-lato na 'yan. Nakikiusap kami sa mga magulang na sana wag nang bigyan ng pera yung mga anak nila pambili ng lato-lato na 'yan
...magpapakumpiksa na lang ako sa mga BPSO," dagdag ni Ballesteros. — BM, GMA Integrated News