Nag-inhibit sa pagdinig sa natitirang drug case laban kay dating Senador Leila de Lima ang hukom na humahawak sa naturang kaso.

Ginawa ito ni Muntinlupa Regional Trial Court Branch 256 Judge Romeo Buenaventura makaraang lumabas ang impormasyon na kapatid niya ang abogado ng dating driver at bodyguard ni De Lima, na nagbigay ng sinumpaang salaysay laban sa dating senadora, na kinalaunan ay binawi rin naman.

"Simply put, the suspicion of the accused-movants, while unfounded if not contrived, cannot be ignored since it already tarnished the integrity and impartiality of the Court as well as the needed trust and confidence in all subsequent proceedings in the instant case," sabi ni Buenaventura sa kautusan na may petsang June 15.

"For this reason, the undersigned Presiding Judge will exercise his discretion and will recuse himself from further hearing this case, not because the allegations are true but because it is his avowed duty as a member of the Bench to promote confidence in the judicial system," paliwanag niya.

Bunga nito, ibibigay umano ang lahat ng record sa kaso ni De Lima sa Executive Judge para muling i-raffle sa ibang sangay ng korte ang pagdinig sa kaso ng dating mambabatas.

Nakatakda sanang magkaroon ng pagdinig ang sala ni Buenventura sa kaso ni De Lima sa June 19 at 26, matapos niyang tanggihan ang bail petition ng dating mambabatas noong June 7.

Sa inihaing mosyon ni Ronnie Dayan, dating driver at bodyguard ni De Lima, pati na sina Joenel Sanchez, at Franklin Bucayu, sinabi nila na mayroong ulat na kapatid ni Judge Buenaventura si Atty. Emmanuel Buenaventura, na nagsilbing abogado ni dating Congresman Reynaldo Umali.

Nagsilbi noong na pinuno ng House Committee on Justice si Umali, na nagsagawa ng pagdinig tungkol sa kalakaran ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison.

Ayon sa hukom, hindi sapat na basehan ang pagiging magkapatid nila ni Emmanuel para bigyan ng malisya at paghinalaan ang paghawak niya sa kaso ni De Lima.

Ipinaliwanag din ng hukom na hindi niya personal na nalalaman ang naging partisipasyon ng kaniyang kapatid bilang dating abogado ni Dayan at legal adviser ni Umali.

Hindi rin umano alam ng hukom ang ginawang pagbawi ni Dayan sa kaniyang mga pahayag laban kay De Lima. Sinabi ni Dayan na pinilit lang siya ni Umali na gawin ang sinumpaang salaysay.

"At this juncture, the Presiding Judge maintains that, as dispenser of justice, he has conducted himself with the cold impartiality of an impartial judge, and no one has swayed his judgment and conduct in adjudicating the instant case," paliwanag ni Judge Buenventura.

"He is confident that were it not for the instant motions for his inhibition, he would have handled this case until its finality with the utmost probity and objectivity, which he has been upholding the entire time," dagdag pa niya.  —FRJ, GMA Integrated News