Hindi pa muna ipapaubaya ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa iba ang pamamahala sa Department of Agriculture hanggat hindi pa natitiyak na maayos ang lahat ng sistema sa kagawaran.
Sa ambush interview sa Valenzuela City nitong Biyernes, tinanong ng mga mamamahayag si Marcos kung may napili na siyang magiging kalihim ng DA.
Ito ay makaraang magtalaga na siya ng mga pinuno sa Department of Health at Department of National Defense, na pawang officers-in-charge lang noon ang namamahala.
Mula nang maluklok sa Palasyo, inilagay ni Marcos sa ilalim ng kaniyang pamumuno ang DA. Biro ng pangulo, ilang personalidad niya ang hinikayat niyang hawakan ang DA pero mas gusto raw ng mga ito na manatili siya sa naturang puwesto.
"Marami. Tinatanong ko sa kanila lahat, inaantay ko mag-volunteer sila mag-Secretary, ayaw ako paalisin eh. So, hangga't matapos," natatawang pahayag ni Marcos.
"The truth of the matter is that we have really managed to make some very important structural changes in the Department of Agriculture so iniisa-isa natin 'yan," paliwanag niya.
Idinagdag ng Punong Ehekutibo na nais niyang matugunan muna ang mga naging problema sa food supply at food prices noong panahon ng pandemic, kasama na rin ang pagsasaayos ng food production ng bansa.
"The problem had been was during the beginning of this year, naging crisis lahat ng food supply, food prices, lahat, fertilizer prices, etc. Kaya napakalaking bagay nitong donation na binigay sa atin ng China. 'Yun, we were just trying to put up emergency measures para naman mabigyan natin ng kaunting tulong at suporta ang ating magsasaka," paliwanag ni Marcos.
"Ngayon, more or less the prices of agriculture commodities are beginning, they have not yet been stabilized, are beginning to stabilize. Now, we are going to make the structural changes that are important to increase production, to ensure the food supply of the Philippines, not only rice but also pork, also fisheries, also livestock, so 'yan ang ating mga ginagawa ngayon para naman hindi na tayo umabot sa krisis, sa sitwasyon, kagaya ng nadatnan natin after the pandemic," dagdag ng pangulo.
Bago niya iwan ang DA, sinabi ni Marcos na nais niyang matiyak na magiging maayos na ang kabuhayan ng mga magsasaka, maayos ang food supply, at abot-kaya na ang halaga ng mga produkto.
"Ang aking hangarin para sa DA ay 'pag iniwanan ko ang DA, by that time, we will have systems in place so that we can guarantee the food supply of the Philippines, number one, we can guarantee that the prices are affordable, and number three, that our farmers make a good living," sabi ni Marcos.
"So, hangga't matapos natin 'yon, I suppose you will just have to put up with me as DA Secretary," dagdag niya. —FRJ, GMA Integrated News