Humingi ng paumanhin sa publiko ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nitong Biyernes matapos na ma-hack ang kanilang official Facebook page at may lumitaw na larawan ng isang babae na maigsi ang kasuotan.

“Sa amin pong mga tagasubaybay, lalo na po ang magulang ng mga amin pong mag-aaral, ang atin pong mga guro, at lahat po ng nagmamahal sa kultura at wika, humihingi po kami ng paumanhin at pangunawa sa nakakalungkot po na balitang ito,” sabi ni KWF Director General Marites Barrios-Taran sa panayam ng Super Radyo dzBB.

“Gusto po namin kayong i-assure na kami po ay gagawa ng lahat ng hakbang upang hindi na ito mauulit muli at mapanagot po ang mga may sala,” she added.

Napansin ang larawan ng babae sa bahagi ng "my story" ng Facebook ng KWF nitong Huwebes ng gabi, at nanatili doon ng hanggang Biyernes ng umaga.

“Hindi po namin maalis. Isang picture ng napakaganda pero sexy na babae at medyo hindi po nararapat na naroon sa aming My Day,” ani Barrios-Taran sa panayam.

Sinabi ni Barrios-Taran na nakatanggap sila ng mga mensahe tungkol sa naturang larawan.

“Marami po ang nag message sa amin at sila po ay nabahala, natural. Ngunit, nais po namin ipaalam na kami rin po ay talagang nabahala rito,” dagdag ng opisyal.

Nakipag-ugnayan umano ang KWF sa Philippine National Police, sa National Bureau of Investigation, at sa Department of Information and Communications Technology tungkol sa nangyari sa kanilang FB page.

“Lahat po ginagawa na namin para sana ma-take down. Sapagkat alam niyo ang My Day nasa loob po yan ng isang araw ay talagang tuloy-tuloy na nagpapakita sa iyong ano...,” ani Barrios-Taran.  —FRJ, GMA Integrated News