Isang bangkay ng babae ang natagpuang nakabaon sa isang bakanteng lote sa Bagumbong, North Caloocan kagabi, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.
Umamin naman ang kasintahan ng biktima na si Jeffrey Montales, 21 anyos, na napatay niya ang nobyang si Argee Cabangunay, 21, dahil sa selos. Siya rin ang nagturo sa kinaroroonan ng bangkay.
Linggo nang dumulog sa pulisya ang mga kaanak ng biktima para i-report ang kaniyang pagkawala.
Kasamang pumunta sa police station si Montales na agad namang itinuring na person of interest dahil siya ang huling kasama ng biktima.
Batay sa imbestigasyon ng Caloocan Police, nagkakaroon ng pagtatalo sina Montales at ang biktima hangga't sa mauwi ito sa pananakal.
"Allegedly itong babae [ay] gusto nang humiwalay sa lalake, s nagkaroon sila ng pagtatalo hanggang sa masakal niya itong babae, 'yung victim natin," ani Police Major Jose Hizon, hepe ng Caloocan Police Sub-Station 9.
Ayon sa suspek, Linggo niya napatay ang biktima pero Martes na niya ito ibinaon sa lupa.
"Aminado po ako, ako po talaga 'yun. Dala po kasi ng selos," ani Montales.
Dagdag pa niya, kinumpronta niya ang kasintahan dahil sa pakikipag-chat sa isang lalaki.
Sasampahan ng kasong murder si Montales. —KBK, GMA Integrated News