Nag-viral online ang video ng isang college student na umano'y lasing at nakipagtalo sa isang senior high school teacher sa loob ng classroom.
Ayon sa ulat ni Maris Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Huwenes, sinabing nangyari ang insidente noong Martes, June 6.
Pinalalabas umano ng guro ang college student, na sinasabing nagpupumilit na umupo sa kaniyang klase.
Pero ayon sa guro, amoy alak ang estudyante, na itinanggi naman ng huli.
Dahil tumataas na ang tensyon at ayaw umalis ang estudyante, ipinatawag na ang security personnel ng paaralan.
“Wala akong kasalanan ginawa akong lasinggero, isipin mo yun isipin mo ‘yon. Ginawa akong lasinggero ng teacher na 'yan!,” madidinig na reklamo ng estudyante sa video.
Samantala, napag-alaman na sa STI College Ortigas-Cainta nangyari ang insidente. Ayon sa eskuwelahan, sinerseryoso nila ito at kaagad nilang tutugunan.
“We take this matter very seriously and are committed to addressing it promptly and responsibly. The views expressed by the intoxicated student in the video do not align with the values and principles of the institution,” ayon kay Jezreez Rodavia, STI College Ortigas-Cainta School Administrator.
Hindi na muna nagbigay ng detalye ang eskwelahan kaugnay sa insidente dahil sa kanilang sinusunod na privacy regulations.
Ngunit siniguro ng paaralan na nagsasagawa sila ng masusing imbestigasyon at nakikipag-ugnayan na sila sa lahat ng sangkot upang mas maunawaan ang sitwasyon. Nangako itong ipatutupad ang nararapat na mga hakbang.
Ayon naman sa Department of Education (DepEd), titinignan nito ang sitwasyon pero dahil pribado ang naturang eskwelahan ay mayroon itong sariling disciplinary rules na sinusunod. --Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News