Sugatan ang isang babae matapos niyang iligtas ang pitong alagang aso sa sunog sa Barangay East Kamias sa Quezon City nitong Huwebes ng madaling araw, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita.
Dalawang aso naman at 10 pusa ang pinangangambahang na-trap sa sunog sa apartment units at katabi nitong bahay sa K-6 Street.
Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pinagmulan ng sunog na umabot sa ikalawang alarma. Ibig sabihin nito ay hindi bababa sa 12 fire truck ang kailangang rumesponde.
Nagtamo ng paso sa braso ang babaeng biktimang si Cielo Marie Rollon.
"Ang nakuha ko lang 'yung mga aso ko sa labas, 'yung nandun sa katabi kong matulog hindi ko alam kung nakatakbo siya," kuwento ni Rollon.
Napag-alamang mahigit sa anim na dekada na ang tanda ng katabing bahay na nasunog.
Handa raw tumulong ang mga taga-barangay sa mga naapektuhang residente.
Pasado 3 a.m. nang maapula ang sunog na nagsimula bago mag-2 a.m. —KBK, GMA Integrated News