Isang grupo ng caregiver ang dumulog sa National Bureau of Investigation (NBI) para ireklamo ang organizer ng kanilang online paluwagan na tumangay umano ng kanilang pera na aabot sa daan-daang libong piso. Ang organizer umano ang unang "sumahod" at hindi na nakasahod ang mga miyembro.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng mga biktima na nagtiwala sila sa organizer na naging tagalikom ng pera ng online paluwagan dahil katulad din nila itong caregiver.

Ayon sa nagrereklamong si Jennifer Rosales, matinding trauma ang naranasan niya dahil magagamit sana niya ang pera para sa matrikula ng kaniyang anak.

Nagsimula raw magkaaberya sa paluwagan nang sumahod na ang inirereklamong organizer na aabot sa P30,000.

Ang naturang organizer umano ang unang sumahod, at wala nang sumunod na nakasahod.

Kung ano-ano na umano ang idinadahilan ng organizer kapag nagtatanong ng sahod ang ibang miyembro.

Hindi na rin umano ito humaharap sa mga biktima. Sinubukan din ng GMA Integrated News na makausap ang organizer pero hindi siya sumagagot, ayon sa ulat.

Tinatayang nasa P100,000 umano ang natangay sa bawat isang miyembro ng naturang paluwagan.

"Ibalik niya ang pera na kinuha niya sa tao kasi siyempre pinaghirapan namin 'yan," ayon kay Isolde Licerio, biktima.

Hinikayat naman ng NBI ang inirereklamong organizer na magtungo sa kanilang tanggapan para maidepensa at ipaliwanag ang sarili. --FRJ, GMA Integrated News