Mananatiling nakadetine si dating senador Leila De Lima matapos tanggihan ng Muntinlupa court ang hiling niya na makapagpiyansa sa natitira niyang kaso kaugnay sa alegasyon na sangkot siya sa kalakaran ng ilegal na droga.

“Sad to inform you that the Court denied Sen. Leila’s Bail application,” sabi ni Atty. Filibon Tacardon sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag.

Sa ipinalabas na kautusan nitong Miyerkules ni Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 256 Presiding Judge Romeo Buenaventura, nakasaad na hindi niya  pinahintulutan ang bail request ni De Lima, kaugnay ng kinakaharap nitong criminal case no. 67.

Ito na lang ang natitira sa tatlong kaso na kinakaharap ng dating senadora na pinaratangan na sangkot siya sa kalakaran ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison noong panahon na siya ang kalihim ng Department of Justice.

Mariing itinanggi ni De Lima ang paratang.

Noong Pebrero 2021, pinawalang sala si De Lima ng Muntinlupa City RTC Branch 205, habang absuwelto rin siya nitong nakaraang Mayo sa isa pang kaso na dininig ng Muntinlupa RTC Branch 204. — FRJ, GMA Integrated News