Nasabat ng mga awtoridad ang aabot P680,000 halaga ng umano'y shabu sa dalawang suspek sa Quezon City.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles na nagpaliwanag ang mga suspek na napag-utusan lamang sila.
Naganap ang drug buy-bust operation sa Barangay Nagkaisang Nayon, at nahuli ang dalawang babae na magkasabwat umano sa pagbebenta ng droga.
Mismong ang mga suspek umano ang nag-abot ng droga sa pulis na nagpapanggap na buyer.
Nakuha mula sa kanila ang nasa 100 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P680,000.
Ayon sa pulisya, dati nang nahuli sa kasong may kinalaman sa droga at nakakulong sa Quezon City Jail ang mga mister ng dalawang suspek.
"Yung mga asawa nila ang nag-udyok sa kanila na ipagpatuloy yung gawain nilang pagtutulak ng droga," ayon kay Police Lt. Col. Jerry Castillo, Novaliches Police Station commander.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —LBG, GMA Intergraged News