Hindi pinaporma ni Efren 'Bata' Reyes ang Pinoy boxing legend na si Manny Pacquiao sa kanilang exhibition match sa bilyar na Legend vs Legend. Pero ano naman kaya ang masasabi ni Reyes kung sa boksing naman sila maglalaban ni Pacquiao?

Sa naturang exhibition match na ginawa sa Mansion Sports Bar & Lounge sa Makati nitong Huwebes, namayani si Reyes sa kanilang race to 9 exhibition match ni Pacquiao.

Hindi raw inasahan ni Reyes na humusay na si Pacquiao sa paglalaro ng bilyar. Maaaring nahirapan lang umano na makabisado ng Pinoy boxer hero ang "lamesa."

"Malaking karangalan ko na makalaban ang ating hero. Pero hindi ko alam na gumaling na pala siya sa bilyar. Alam ko sa chess lang siya naglalaro," ani Reyes na nagsabing handa siyang sumabak muli sa mga katulad na exhibition game.

Inihayag din ni Pacquiao na nagpapasalamat siya na makalaban ang isa sa mga pinakamahusay na manlalaro ng bilyar.

Dahil "dumayo" si Pacquiao sa balwarte ni Reyes na bilyar, pabirong tinanong ang billiard king kung handa ba siyang magboksing naman.

Natatawang sagot ni  Reyes, "Palagay ko kung maglalaro kami ng boksing tulog kaagad ako." —FRJ, GMA Integrated News