Mission accomplished ang Gilas Pilipinas sa kanilang road to redemption campaign sa 32nd Southeast Asian Games matapos makabawi mula sa pagkatalo laban sa Cambodia, at sungkitin ang gold medal sa men's basketball.
Sa finals ng men's basketball nitog Martes, pinataob ng Pinoy cagers ang team Cambodia sa iskor na 80-69. Dahil dito, ang Pilipinas muli ang king of hoops sa Southeast Asia.
Nitong nakaraang linggo, pinatikim ng Cambodia sa iskor na 79-68 ang una at tanging talo ng Gilas Pilipinas sa elimination round ng torneo.
Dahil sa naturang kabiguan na itinuturing na isang malaking "upset," hindi naitago maging ni Samahang Basketbol ng Pilipinas chairman emeritus Manuel V. Pangilinan, ang pagkadismaya.
"What a disgraceful game for Gilas. An ignominious defeat which will be etched deeply in infamy. SBP - what happened?" tanong ni Pangilinan sa kaniyang post sa Twitter matapos ang laban.
Sa laban kanina, pinangunahan nina Justin Brownlee at Chris Newsome ang team Pilipinas para makabawi sa Cambodia.
Kumamada si Brownlee ng kabuuang 23 points, na dinagdagan ni Newsome ng 16 points.
Nakuha ng Cambodia ang silver medal, habang bronze naman ang Thailand para sa third place, matapos nilang talunin ang defending champion na Indonesia.
Magsisilbing dagdag-kompiyansa sa Gilas ang tagumpay sa SEAG para sa pagsabak nila sa gaganaping 2023 FIBA World Cup na magsisimula sa Agosto.
Makakalaban ng Pilipinas sa kinabibilangan nitong grupo ang Italy, Angola, at Dominican Republic. Ilan sa mga laro ay gaganapin sa Pilipinas, Japan at Indonesia.—FRJ, GMA Integrated News