Arestado ang isang lalaki sa Caloocan City matapos niyang mapatay sa saksak ang kaniyang kaibigan dahil sa biruan tungkol umano sa droga. Ang suspek iginiit na self-defense ang nangyari.
Sa ulat ni James Agustin sa Balitanghali nitong Martes, kinilala ang suspek na si Lowell Maza, 23, na dinakip sa follow-up operation ng mga operatiba ng Quezon City Police District Station 14 sa Camarin, North Caloocan.
Si Maza ang umano ay sumaksak kay Sigfred Lacambra, 38, sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City Sabado ng gabi.
Nadala pa ang biktima sa ospital ngunit nasawi kinabukasan dahil sa tinamong saksak sa kaliwang tagiliran.
Ayon sa pulisya, nakapaglakad pa ang biktima matapos masaksak at nakapagsumbong sa ina nito na si Maza ang suspek.
Iniulat ng ina ng biktima at ng isang saksi ang insidente sa istasyon ng pulis.
Sinabi ng pulisya na nagsimula ang lahat matapos biruin ng suspek ang biktima.
“Lumalabas sa initial investigation namin, may kinalaman ito sa droga. Allegedly, nagkabiruan sila, sinabi ng suspek na tinago niya ‘yung timbangan habang nagkakara ng shabu ‘yung victim, at pinagbantaan siya na papatayin siya, so inunahan na niya,” sabi ni Police Lieutenant Colonel May Genio, commander ng Holy Spirit Police Station.
Nabawi mula kay Maza ang ginamit na kutsilyo.
Pangatlong beses nang makukulong ni Maza, na dati na ring nasangkot sa alarm and scandal, physical injuries, at illegal possession of firearms.
“Self-defense lang po lahat ng nangyari, kasi po nakita ko siyang nagtitimbang ng droga, pinagtripan ko po na kinuha ko po ‘yung timbangan kaya kami nagkaroon ng pambuno, naagaw ko po sa kanya ‘yung kutsilyo. Sasaksakin na po niya ako eh kaya ko po nagawa ‘yung mga bagay na ganu’n,” depensa ni Maza na pinagsisisihan ang nangyari.
Nahaharap ang suspek sa reklamong murder samantalang patuloy na hinahanap ang isang kasabwat ni Maza.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News