Arestado ang isang dating TNVS driver matapos umanong isangla ang sasakyan ng kaniyang amo, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes.

Naaresto ang suspek na si Jessiefel Nituda sa Bonifacio Global City sa bisa ng warrant of arrest sa kasong carnapping at estafa na isinampa noon pang 2017.

"Isinanla niya 'yung sasakyan ng amo niya kaya, 'yung nga po, nagkasundo naman sila na babayaran kaya lang hindi tumutupad sa usapan itong [suspek] kaya napunta sa carnapping 'yung kaso," ani Police Captain Kent Talastas, deputy commander ng Fort Bonifacio Police Station.

Umamin daw si Nituda sa nagawa pero iginiit nito na may resolusyon na ang kaso. Pero ayon sa pulisya, wala siyang maipakitang katibayan na may resolusyon na ang kaso.

"Wala siyang maipakita kaya effective pa rin 'yung warrant niya," sabi ni Talastas.

Aabot sa P300,000 ang recommended bail kay Nituda para sa kaniyang pansamantalang kalayaan. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag. —KBK, GMA Integrated News