Arestado ang isang lalaking umano'y nakiki-fiesta sa Quezon City matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles na hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin ng mga pulis sa Barangay Unang Sigaw ng lungsod.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga pulis sa lugar dahil piyesta doon at maraming nag-iinuman.
Ayon kay Police Lt. Col. Mark Ballesteros, Talipapa Police Station Commander, "Nilapitan ng isang tao ko yung mga nag-iinuman dahil nakitang may bumubukol sa tagiliran ng isa sa mga nan doon. Na sense siguro niya na papalapit ang mga pulis sa kanya, kaya tumakbo siya. Nasukol ang suspek sa isang eskinita."
Nakuha mula sa suspek ang isang baril na kargado ang tatlong bala.
Ayon sa mga pulis, ito na ang ikatlong beses na makukulong ang suspek. "Nakulong na itong suspek natin noong 2018 dahil sa droga, at noong 2022 dahil sa pagsusugal," pahayag ni P/Lt. Col. Ballesteros.
Umamin ang suspek na kinilalang si Jofher Guevarra na sa kanya nakuha ang baril. Pero sabi niya, "Pihahawak lang sa akin ang baril ng aking katropa."
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ayon sa ulat. —LBG, GMA Integrated News