Ikaanim na beses nang makukulong ang isang lalaki matapos niyang manloob ng isang bahay sa Quezon City ngunit naaktuhang nakasakay sa bisikleta na kaniyang tinangay. Ang suspek, nabuksan ang kandado gamit ang hairpin.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, kinilala ang suspek na si Roberto Sabian, 39, na nanloob sa isang bahay sa Brgy. Bagong Pag-asa.
Ayon sa lalaking may-ari ng bahay, pumunta sila ng kaniyang asawa noong Sabado sa Cavite. Nagulat sila nang makatanuezon Cityggap ng mensahe mula sa kapitbahay na nakabukas na ang kanilang bahay.
Dahil dito, nagmadali silang bumalik sa Quezon City at natagpuang wala na ang padlock ng kanilang bahay, bukas ang pinto, at nagulo ang kanilang mga gamit.
Wala na rin ang isang bisikleta, isang TV, at digital TV receiver.
Pero habang sinasamahan ng pulisya, nakasalubong ng mga biktima ang suspek sa daan sakay ng ninakaw na bisikleta.
“Along the way, nakita namin ang magnanakaw, nakasakay siya sa bike namin. Nagsabi na po ako sa police na ‘Sir siya po ‘yun, bike namin ‘yun. Amin po ‘yon, kilala po namin ‘yon,’” sabi ng biktima.
Nagkaroon ng habulan, hanggang sa madakip si Sabian.
Pagkaaresto, inilahad ng suspek kung nasaan ang iba pang mga gamit ng mga biktima at nabawi ang mga ito.
“Pinasok ko po ‘yung bahay nila, pero sa pangangailangan po. Nangangailangan ako kasi meron po akong anak, may sakit po kasi ang anak ko kaya ginawa ko po ‘yun,” ani Sabian.
“Ginamitan ko po ng hairpin ang padlock para mabuksan ko siya,” dagdag pa niya.
Nahaharap sa kasong robbery ang suspek, na ikaanim nang beses na makukulong dahil din sa mga kasong may kinalaman sa droga, illegal gambling, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News