Lumitaw sa isang pag-aaral na kasama na umano sa hangin ng Metro Manila ang microplastics na maaaring malanghap ng tao. Ang mga lungsod na mayroon umanong pinakamataas na antas ng microplastics sa hangin--ang Mandaluyong at Muntinlupa.
Ang pag-aaral ay isinagawa ng mga mag-aaral mula sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, na pinamunuan ni Rodolfo Romarate II at ginabayan ni Dr. Hernando Bacosa, PhD.
Kumuha ng sampling ang grupo mula sa 17 LGUs ng Metro Manila noong December 16 hanggang 31, 2021.
Nakakolekta sila ng 864 cubic meters ng hangin sa bawat LGU sa loob ng 12 oras sa bawat araw. Dito, nakita na may 155 suspended atmospheric microplastics (SAMPs) mula sa lahat ng 17 sampling stations sa Metro Manila.
"We collected air from our simulation of the height of an average person," sabi ni Romarate sa GMA News Online sa pamamagitan ng Zoom call nitong Miyerkules, para ipakita ang peligrong kinakaharap ng mga taong laging nasa kalye tulad ng street sweepers, MMDA personnel, at maging ang mga commuter.
Lumitaw umano sa pag-aaral na may 19 microplastic particles per 864 cubic meters of air ang Mandaluyong at Muntinlupa, na may pinakamataas ng concentration ng microplastic particles.
Ang Malabon naman ang may pinakamababang antas ng pagkakaipon ng microplastic sa 1 particle of SAMPs per 840 cubic meters.
"Most number of SAMPs were found in the northern, central, and southernmost cities of Metro Manila, specifically Caloocan (n=15), San Juan (n=14), Mandaluyong and Muntinlupa (n=19)," ayon sa pag-aaral.
Hindi naman aabot sa 5 SAMPs ang Las Piñas, Parañaque, Pasig, Quezon City, at ang Malabon.
Ayon pa sa pag-aaral, "fibrous microplastic" ang nangunguna sa bilang ng SAMPs, na umaabot ng 88% sa nalikom na sample.
"Mostly polyester 'yung nakitang type of microplastic so we can infer that they came from clothing," paliwanag ni Romarate.
"Fashion itself is causing microplastic pollution," patuloy niya. "Yung himulhol ng damit 'di ba? When you wash the clothes, that could lead to microplastic pollution in water. When you dry it, that could lead to microplastic pollution in air."
Ang iba pang uri ng micro plastics na nakita sa hangin ng Metro Manila ay kinabibilangan ng PET plastic na kadalasang ginagamit sa water bottles, Polystyrene o styrofoam, PVC material, at polypropylene na ginagamit sa plastic packaging.
Bukod sa hindi kayang taglayin ng baga ng tao ang microplastics, sinabi ni Dr. Bacosa, na may iba pa itong kaakibat na peligro.
"What we're concerned with is the fact that microplastics can be a carrier of other things like bacteria, viruses, and cancerous compounds like heavy metals kasi pwede sila kapitan ng mga ito," paliwanag niya.
"Kaya pala 'pag nasa Manila ako, after mga four days, parang sinisipon na 'ko. Yung katawan ka, nag-re-respond na sa foreign body," dagdag ni Bacosa.
Bagaman nakatutulong umano ang mga puno para maibaba ang antas ng microplastics sa hangin, hindi naman daw nito kayang hugupin ang microplastics gaya ng nagagawa nila sa carbon at iba pang polusyon.
"Trees can bring them down, kung babangga yung microplastic sa kahoy. But mapupunta naman 'yon sa lupa, so that can cause another set of problems," saad nina Romarate at Bacosa.
"Walang takas, except mag-mask," ayon kay Bacosa.
Ang ginawang pag-aaral ay inilathala nitong Marso sa Environmental Science and Pollution Research. — FRJ, GMA Integrated News