Ikinagulat ng mga tao ang pagtatakbo ng isang street vendor habang hinahampas ang sarili sa harap ng isang restaurant sa Thailand. Ang lalaki na tila sinasapian, inatake pala ng mga bubuyog.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikita na hinagisan ang lalaki ng puting tela, at doon lamang siya tumigil nang gamitin niya itong pangtalukbong.
Pagkalipas ng ilang saglit, pinapasok na ang lalaki sa restaurant.
Ayon sa lalaki, ito ang unang beses na hinabol siya ng mga bubuyog sa anim na buwan na niyang pagpapatakbo ng kaniyang stall.
Hindi aniya alam ng lalaki na may bahay-pukyutan malapit sa kaniyang puwesto.
Dalawang bubuyog lang noong una ang humahabol sa kaniya, hanggang sa dumami ito nang dumami.
Natusok din ng mga bubuyog ang asawa ng street vendor na kaniyang katuwang sa pagtitinda.
Nang hanapin ng mga awtoridad ang bahay-pukyutan, nakita nila ito na may haba na 15 pulgada, na nasa dormitoryo. Inilipat nila ito sa mas ligtas na lugar.
Sinuyod din ng mga awtoridad ang mga kalapit pang lugar gaya ng mga lokal na templo para maialis ang mga natitira pang bahay-pukyutan.
Nabigyan agad ng paunang lunas ang lalaki at ang kaniyang asawa.
Nagbabala ang mga eksperto na delikado ang “kagat” ng bubuyog sa mga bata at mga taong may allergy. —LBG, GMA Integrated News