Hinihinala ni Senador Cynthia Villar na may masamang intensyon ang kumuha at nag-upload ng video na nakitang kinokompronta niya ang ilang security guard sa isang subdibisyon sa Las Piñas na nag-viral sa social media kamakailan.
Dahil dito, sinabi ng mambabatas sa pulong balitaan nitong Miyerkules, na pinag-aaralan niya ang legal na hakbang na gagawin tungkol sa naturang video.
“They planned it but that’s okay with me. Alam mo 'pag ikaw public official, you encounter all these problems and you must accept it. That’s the price you pay for being a public official. You have to accept all these things,” ayon kay Villar.
Nangyari ang insidente sa BF Resort Village, na may nakabinbin na kasong isinampa si Villar sa asosasyon dahil tumututol umano ito na sumunod sa ordinansa na nagpapahintulot sa mga residente ng lungsod na dumaan sa kalsada ng subdibisyon sa pamamagitan ng “friendship sticker.”'
Ayon sa senadora, nagpalabas ng temporary restraining order ang korte laban sa pasya ng homeowners association.
Mula noon, sinabi ni Villar na nagkakaroon na siya ng problema sa homeowners association, na ang pinakahuli ay ang paglalagay ng bakod sa composting facility na itinayo niya.
“Recently, they fenced and blocked the access to my composting facility at the river easement along the road in BFRV. That easement, I got [it] when I removed the [informal settlers] about seven years ago,” paliwanag niya.
“They don’t want me to build a sidewalk in front of the composting facility. They stopped the entry of the ready-mix bus to bring the ready mix to the sidewalk… They prohibited me from planting trees in the easement area of that composting facility,” patuloy niya.
Plano umano ni Villar na magsampa ng dagdag na reklamo laban sa homeowners association.
“I have already consulted my lawyers and instructed them to study the appropriate cases and actions in addition to the complaint which they granted me a TRO,” aniya.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng BF Resort Village Homeowners Association sa mga sinabi ni Villar.
Samantala, sinabi ni Villar na ipinagtataka niya kung bakit paulit-ulit na sinasabi ng isang tauhan na kaniyang kinokompronta na huwag sasaktan ang security guard kaya nakapagsalita ng tungkol sa LGBT.
“Eh ang laki-laki niya para masaktan ko siya. There’s something wrong with him. He’s a security guard. He has a gun in his holster. Ano sasabihin ko? Masasaktan ko ba yan? Ang tapang ko naman. Ang laki-laki niya. Ang liit-liit ko. Tapos wala akong baril. Siya ang may baril. Why will I do it?” paliwanag ni Villar.
Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Villar na walang siyang ginawang masama nang komprontahin niya ang mga security guard na naglagay ng harang sa naturang kalsada.
Umabot sa ilang milyong views ang naturang video. —FRJ, GMA Integrated News