Arestado ang isang lalaking nanghablot ng bag ng isang babae sa Quezon City matapos mabangga sa isang poste ang kanyang sinasakyang motorsiklo.
Nakilala ang suspek na si Rommel Jhon Infante, 19-anyos, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Ayon sa pulisya, nanghablot ng bag ng isang babae sa Banawe Street ang suspek.
Sinubukan daw nitong takasan ang checkpoint sa Barangay Manresa ngunit tumama ang kanyang motor sa poste at sumemplang.
"Nag-attempt po siya na iwasan ang ating checkpoint. However sa sobrang pagmamadali ay bumangga siya sa poste," ani Police Lieutenant Colonel Romil Avenido, La Loma Police station commander.
"Very accurate po 'yung pag-describe po ng victim na the suspect is wearing blue helmet, black jacket and grey jogging pants on board a blue motorcycle with silver," dagdag niya.
Narekober mula sa suspek ang bag ng biktima na naglalaman ng cellphone at pera.
May nakuha rin umanong baril na kargado ng bala at shabu na nagkakahalagang P40,000.
Ayon sa pulisya, isa ang suspek sa riding in tandem na dalawang beses nang nag-snatch ng cellphone sa mga biktimang nasa kalye noong Abril 1 sa Banawe Street at sa Caloocan City.
Dagdag pa ng pulisya, dati nang nakulong ang suspek dahil sa pagnanakaw.
Umamin naman ang suspek na limang beses na siyang nanghablot ng cellphone sa magkakaibang lugar dahil daw sa hirap ng buhay.
Itinanggi naman niya na may nakuhang baril at droga sa kanya.
Mahaharap sa mga kasong robbery snatching, illegal possession of firearms and ammunition, at violation of Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —KG, GMA Integrated News