Sa kulungan na itutuloy ng tatlong lalaki ang kanilang happy hour matapos silang magpanggap na mga pulis at mang-harass ng mga customer at banda nang hindi napagbigyan ang kanilang song request sa isang bar sa Makati City.
Sa ulat ni John Consulta sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, mapapanood sa isang video ang aktuwal na komprontasyon ng mga pulis at tatlong lalaki sa isang bar.
Ayon sa may-ari ng establisyemento, hina-harass ng tatlong lalaki ang iba pang customer at kanilang empleyado.
“Nagre-request po sila ng kanta. At nang hindi po agad ito matugtog ay kanilang binalingan ‘yung banda, lalo na ‘yung lead singer,” sabi ni Police Brigadier General Kirby John Kraft, district director ng Southern Police District.
Ipinaliwanag naman ng lead singer na marami pang nakapilang requested song. Ngunit nagpakilalang pulis ang mga suspek, pero hindi agad naniwala ang lead singer.
“Hiningian niya po ito ng ID, ng pagkakakilanlan, at dahil dito lalong nagalit ‘yung tatlong lasing,” sabi ni Kraft.
Noong una, pumalag pa ang tatlong suspek, pero naaresto rin kalaunan. Sa presinto nabisto na hindi sila mga pulis, kundi mga security guard.
Nahaharap ang tatlo sa reklamong alarm and scandal, usurpation of authority at disobedience to authority.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunin ang panig ng mga suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News