Nananatiling nakatagilid at hindi pa naibabalik sa riles ang nadiskaril na tren ng Philippine National Railways (PNR) sa bahagi ng Don Bosco crossing sa pagitan ng Pasay Road at EDSA Station.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing pangalawang araw nang nananatili ang ending ng tren sa Dela Rosa, Makati mula sa Tutuban at Governor Pascual matapos itong madiskaril Martes ng umaga.
Target ng mga awtoridad na maisaayos ngayon ang tumagilid na tren gamit ang heavy equipment at masinsinang pagpaplano.
Naipuwesto na Miyerkoles ng madaling araw ang isang crane, na hihila sa nadiskaril na tren bago maibalik sa normal ang biyahe ng PNR.
Ngunit nangangamba ang mga enhinyero na masira ang mga riles na daraanan ng crane kung ipupuwersa ito sa railway para kunin ang tren.
Kaya tinambakan ng mga personnel ng graba ang bahagi ng riles na dadaanan ng mga heavy equipment, para pumatag ang daraanan ng crane at hindi masasalo ng mga riles ang bigat ng makinarya.
Hindi naman nagtagumpay ang unang plano na gumamit ng rerailing equipment sa tulong ng LRT at MRT personnel.
Hindi pa agad maibabalik sa normal ang operasyon ng PNR sa lugar ng Makati dahil susuriin pa ang quality ng tracks at magsasagawa pa ng mga test run. —LBG, GMA Integrated News