Sa harap ng mga mamamahayag, itinumba ang isang dating politiko sa India at ang kaniyang kapatid habang dinadala sila ng mga pulis sa isang ospital. Ang mga salarin, humalo sa media at malapitang binaril ang magkapatid na nakaposas.
Sa ulat sa Agence France-Presse, sinabing taong 2019 pa nakakulong ang biktimang si Atiq Ahmed, 61-anyos, dahil sa kasong kidnapping.
Habang naglalakad papunta sa ospital sa Prayagraj, sinasagot ni Ahmed, katabi ang kapatid na si Ashraf, ang mga mamamahayag nitong Sabado nang barilin sila nang malapitan ng mga salarin.
"According to preliminary information, three persons posing as journalists approached them and opened fire... The attackers have been held and are being questioned," ayon sa police official na si Prashant Kumar.
Sa TV clip, makikita ang mga salarin na sumigaw ng Hindu slogans matapos isagawa ang krimen. Kaagad naman silang naaresto ng mga pulis.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pagpatay sa magkapatid. Inilarawan naman ng pulisya na "petty criminals" ang mga salarin.
Dinala sa ospital ang magkapatid para sa medical examinations at mayroon silang kasamang mga pulis.
Batay sa ulat ng local media, isa umano sa mga salarin ang may bitbit na camera, habang may hawak na mikropono ang isa pa na may logo ng television channel.
Ilang araw bago mangyari ang insidente, napatay ng mga pulis sa shootout sa Uttar Pradesh ang 19-anyos na anak ni Ahmed at kasama nito, na parehong wanted sa kasong murder.
Nahaharap ang napatay na si Ahmed, dating mambabatas sa mga kasong murder at assault. Naghain umano ito ng petisyon sa korte nitong nakaraang buwan dahil sa sa banta umano sa kaniyang buhay. — AFP/FRJ, GMA Integrated News