Humingi ng paumanhin ang Tibetan spiritual leader na Dalai Lama matapos umani ng puna ang video na makikitang pinahalik niya ang isang batang lalaki sa kaniyang dila.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabing mapapanood sa nag-viral na video na lumapit ang batang lalaki sa 87-anyos na Dalai Lama para magbigay-galang.
Nakitang naghalik sa labi ang bata at ang Dalai Lama, at nagdikit pa ang kanilang noo. Pero kinalaunan, inilabas ng Dalai Lama ang dila nito at madidinig sa video na sinabihan niya ang bata na: "Can you suck my tongue."
Nangyari umano ang insidente noong February 28 sa isang pagtitipon sa McLeod Ganj, sa Dharamshala city sa northern India.
"His Holiness wishes to apologize to the boy and his family, as well as his many friends across the world, for the hurt his words may have caused," saad sa pahayag sa verified Twitter account ng Delai Lama.
"His Holiness often teases the people he meets in an innocent and playful way, even in public and before cameras," dagdag nito. "He regrets the incident."
Binatikos ng mga Twitter user ang video na nag-viral simula nitong Linggo na tinawag nilang "disgusting" at "absolutely sick."
"Utterly shocked to see this display by the #DalaiLama. In the past too, he's had to apologize for his sexist comments. But saying ‘Now suck my tongue’ to a small boy is disgusting," saad ng netizen na si "Sangita."
Sabi naman ni Rakhi Tripathi: "What did I just see? What that child must be feeling? Disgusting."
Ang Dalai Lama ang mukha ang kilusan para sa awtonomiya ng Tibetan. Pero lalo siyang nakilala sa buong mundo nang makamit niya ang 1989 Nobel Peace Prize.
Inaakusahan ng Beijing ang Dalai Lama na nais nitong biyakin ang China, at tinawag siyang "wolf in a monk's robe."
Noong 2019, humingi ng paumanhin ang Dalai Lama sa naging pahayag niya na dapat na "attractive" kung babae ang papalit sa kaniya. — AFP/FRJ, GMA Integrated News